Wikang Tagalog

Ang Pagpapakilala

INFINITA ANIMASOLA DIOS DEL MUNDO


Ang Kasaysayan ng “Infinita Dios Del Mundo” (INA) kailanman ay hindi nasulat sa biblia, at iyan ay itinago ng mga paring Emperio Romano. Ang katotohanan, sa kanya nagsimula ang lahat ng bagay, tulad ng paglalang ng langit at lupa. Siya rin ang tinaguriang “Reyna Coronada Del Mundo”, “Reyna ng Langit at Lupa” (Ilaw), at “Reyna ng Perlas ng Silangan”, na Siya ang pinakamataas na antas ng Espiritual na tinatawag na “Alpha” at “Omega” at sa Kanya rin ang simula at ang wakas. Ang Infinita Dios (Ina) ay isang babaeng makapangyarihan, na ang lahat ay nangyayari sa kanyang kapasiyahan, at siya rin ang timbangan ng mabuti at masama ng sangkalupaan, gayon din sa batas ng katauhan.

Nilalang ng Infinita Dios (Ina) ang “Infinito Dios Del Mundo” (Ama) bilang pangalawang Antas ng makapangyarihang espiritual, upang katulungin Niya sa lahat ng bagay. Isinabog din ng Infinita Dios (Ina) ang lahat ng kanyang kayamanan sa sangkatauhan at binigyan din Niya ang mga tao ng talino upang gamitin sa mabuting gawain at asal. Bilang Infinito Dios Del Mundo (Ama), ako ang nagpapasabog ng biyaya sa sangkalupaan mula sa langit at ang Infinita Dios (Ina) ang nagpapalakad o nagpapainig ng sangkamunduhan, sapagkat kung Ako, Infinito Dios (Ama) ang magpapatakbo ng mundo, sa aking kapusukan, katapangan at kabaitan, ay baka wala na at gunaw na ang mundo dahil sa kasalanan ng tao. Ang Infinito Dios (Ama) ay walang pasensiya, subalit ang Infinita Dios, bilang isang Ina, ay laging nakasalalay sa lahat ng kapasiyahan na kung minsan, Siya ay mayaman at kung minsan ay mahirap. Bilang pangalawang Antas ng makapangyarihang Ama espiritual, ang lahat sa aking kapasiyahan ay mangyayari.

Ang araw ay dumating nang lalangin ang Panginoong Hesukristo sa lupa sa pamamagitan ng espiritu, at ang tunay na kapanganakan niya ay natago at inilihim. Si Hesukristo, sa edad na isang taon hanggang labing dalawa ay isang espiritual, at nang dumating ang edad labing tatlo hanggang tatlumpo at dalawang taon, Siya ay isang taong materyal na dumanas ng buhay ng sangkatauhan. Ang buhay ni Hesukristo sa mga taong ito ay hindi rin ipinahayag ng mga paring Emperio Romano sa biblia. Nang Siya ay dumating sa edad na tatlumpo at tatlo sinabi nia sa Infinito Dios (Ama) na ayaw na niyang tanggapin ang misteryong nakaatang sa kanya. Nang Siya ay nahihirapan na, ang luha at pawis niya ay dugo ang lumalabas, tinawag Niya ang Infinita Dios (Ina) at sinabi na kung maaari ay huwag ng ipagpatuloy ang ministeryo, Ang sagot ng Ina ay “tanggapin mo Anak, at ito ay nauukol sa iyo”. Dito sinagip ni Hesukristo ang sala ng tao sa ibabaw ng lupa bilang isang kasalanang orihinal. At pagkatapos ng misteryo ay umakyat Siya sa langit bilang isang anak ng Espiritu Santo sa pangalang Panginoong Hesukristo at dito naganap ang Santisima Trinidad:

DIOS INA

DIOS AMA

DIOS ANAK – DIOS ESPIRITU SANTO